MANILA, Philippines – “PALDO ang mga Batang Maynila!”
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Lunes, Disyembre 15, kasabay ng pag-anunsiyo nito sa pagpapalabas ng ₱648.84 na cash assistance, benepisyo, at incentives na sumasaklaw sa mga estudyante, empleyado ng lungsod, health worker, at contract personnel sa sa ginanap na flag-raising ceremony sa Manila City Hall.
Ayon kay Yorme, ang ₱302.18 milyon ay nakalaan para sa insentibo ng mga permanenteng empleyado ng lungsod—kabilang ang mga co-terminous na empleyado at mga halal na opisyal—na sumasaklaw sa retroactive salary adjustments sa ilalim ng ikalawang tranche ng Salary Standardization Law, gayundin ang mga insentibo sa medikal, produktibidad, at pagkilala sa serbisyo.
Ang mga kwalipikadong tauhan ay tatanggap ng ₱7,000 medical allowance, ₱5,000 Productivity Enhancement Incentive, at ₱10,000 Service Recognition Incentive, na nakatakdang ipamahagi mula Disyembre 15 hanggang 23.
Ang job order at contract of service worker ay tatanggap naman ng ₱66 milyon bilang gratuity pay, kung saan ang bawat eligible worker ay nakatakdang tumanggap ng ₱7,000, sabi ng Alkalde.
“Itong ₱648 million saan galing? Gusto ko lang ipaliwanag sa inyo ng konti. Sa mga nagbabayad ng buwis. Kaya ako naman, buong kababaang-loob, nakikiusap ako sa bawat isa sa inyo: kapag may taxpayer tayong kausap o mamamayan na ating pinaglilingkuran, pakitunguhan niyo naman ng maayos dahil ang buhay natin ay nakasalalay sa pagtitiwala nila na ibigay ang kanilang hard-earned money upang ibayad bilang obligasyon sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” ani Domagoso.
Nabatid din na maglalabas ang Lungsod ng ₱128.13 milyon sa PhilHealth professional shares para sa mga tauhan ng mga pampublikong ospital ng Maynila at ng Manila Health Department, na sumasaklaw sa mga koleksyon mula Hulyo hanggang Nobyembre 2025.
Sinabi rin ng Alkalde na ₱100 milyon sa PhilHealth ang karagdagang pagbabahagi mula sa dati nang hindi naipamahagi na mga koleksyon, na nakikinabang sa medikal, non-medikal, barangay health workers, nutrition scholars, at support personnel.
Sa ilalim ng College Student Assistance Program, ang lungsod ay mamamahagi ng ₱46.03 milyon sa 18,235 na estudyante ng Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, na may mga allowance na sumasaklaw sa mga buwan ng akademiko mula Hulyo hanggang Setyembre 2025.
Ang karagdagang ₱6.5 milyon ay ilalabas sa ilalim ng College Subsidy Program para sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), na sumasaklaw sa ikatlong quarter ng 2025.
“Ipinagpapasalamat natin ito kay Pangulong Bongbong Marcos. Inaantabayanan ko ‘yung kanyang announcement niya (sa Administrative Order No. 39 at 40). Noong Biyernes, nagawa na ng Administrative Order si President Marcos. Eh ang hindi alam ng Presidente, naggagayak na tayo. Nag-aantay na lang tayo ng go signal niya. So palakpakan natin si President Marcos,” ani Domagoso.
“Pwede bang makisuyo? ‘Yung pinakamalakas at mainit ninyong pasasalamat sa ating mga taxpayer. Palakpakan natin sila. I cannot do it alone. In fact, I didn’t pay for it. My son paid me by the home, but they did it. They did it for us to have what we’re going to have in the coming days and what we’re having every 15th and 30th of the month. That is because of them,” dagdag pa ng alkalde. JAY Reyes