NAGPAHAYAG si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na ang pagkasugat ng tatlong mangingisdang Pilipino at pagkasira ng dalawang bangkang pangingisda sa Escoda Shoal ay hindi maaaring ituring na karaniwang insidente sa West Philippine Sea dahil isa itong hayagang pananakit at sinadyang karahasan laban sa mga Pilipinong legal at payapang naghahanapbuhay sa sarili nilang karagatan.
Ayon kay Goitia, hindi armado ang mga mangingisda at wala silang nilalabag na batas. Maliit lamang aniya ang kanilang mga bangka, at malinaw ang kanilang pakay, ang mangisda upang may maipakain sa pamilya. Gayunman, hinarap sila ng high-pressure water cannons at mapanganib na maniobra ng mga sasakyang pandagat ng Tsina.
Giit ni Goitia, hindi ito isang aksidente sa halip ay isa umano itong planadong hakbang upang manakot, manakit, at itaboy ang mga Pilipino mula sa sarili nilang karagatan.
Para kay Goitia, walang dapat pagtakpan sa nangyari.
“Kapag sinasadya ang pananakit sa mga sibilyan na nasa sarili nilang teritoryo, hindi na ito maaaring tawaging harassment. Ito ay hayagan at sinadyang agresyon,” ani Goitia.
Dagdag niya, walang anumang legal o moral na katwiran ang pananakit sa mga mangingisdang walang nilalabag na batas at tanging kabuhayan ang ipinagtatanggol.
Ayon kay Goitia, agad na kumilos ang Philippine Coast Guard upang sagipin ang mga nasugatang mangingisda, magbigay ng agarang tulong medikal, at tiyakin ang kanilang ligtas na pag-uwi sa kabila ng patuloy na panghaharang.
Para kay Goitia, malinaw itong patunay na ang estado ay nananatiling gising at handang ipagtanggol ang mga Pilipinong lehitimong nasa sarili nilang karagatan.
“Nariyan ang ating mga pwersa upang ipakita na hindi iniiwan ng pamahalaan ang sarili nitong mamamayan,” ani Goitia. “Ang pagprotekta sa mga sibilyan ay hindi opsyon o pakiusap. Ito ay isang malinaw at di-matatawarang tungkulin ng estado.”
Ayon pa kay Goitia, muling iginiit ng Tsina ang mga claim na matagal nang ibinasura sa ilalim ng international law. Ayon sa 2016 arbitral ruling, malinaw na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Escoda Shoal.
“Ibig sabihin, may karapatan ang ating mga mangingisda,” ani Goitia. “At malinaw kung sino ang lumabag.”
Idinagdag niya na ang soberanya ay may kabuluhan lamang kapag aktibong ipinagtatanggol ang mga Pilipinong araw-araw na umaasa sa karagatang kanilang pinaghuhugutan ng buhay.
“Ang West Philippine Sea ay hindi ideya o usapin lamang,” ani Goitia. “Ito ay lugar kung saan nagtatrabaho, nabubuhay, at umaasa ang mga Pilipino.”
Sa huli aniya ay malinaw ang isyu. Hindi lamang ito tungkol sa mga guhit sa mapa. Ito ay tungkol sa mga Pilipino, sa kanilang dangal, at sa isang bansang matatag na ipinagtatanggol ang kanyang mamamayan at ang kanilang mga lehitimong karapatan.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations:
Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD),
People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER),
Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at
Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement,
na nagtataguyod ng katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino. RNT