MANILA, Philippines – Pinuna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang Senado dahil sa P55 bilyong kaltas sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa proposed 2026 national budget.
Ayon sa grupo, mawawalan ng karampatang benepisyo ang mga guro sa pampublikong paaralan, faculty ng state universities and colleges, at rank-and-file government workers, kabilang ang salary adjustments, Performance-Based Bonus, at plantilla items.
“Ang P55 bilyong kinaltas sa benepisyo ng guro at kawani ay sapat na para itaas ang Personal Economic Relief Allowance (PERA), magbigay ng plantilla items sa DepEd at SUCs, at i-regularize ang libu-libong kontraktwal. Sa halip, ibinuhos ito sa LGU pork,” ani ACT Chairperson Ruby Ana Bernardo.
Dagdag pa niya, “Ito ay malinaw na pagnanakaw sa kabuhayan ng manggagawa para pondohan ang makinarya ng pulitika.”
Hinimok ng ACT ang bicameral conference committee na ibalik ang P55 bilyong pondo upang pondohan ang benepisyo, plantilla positions, at regularisasyon ng mga contractual workers.
Binatikos ng grupo ang budget bilang pagpapakita ng “maling prayoridad” at nagbabala sa posibleng political patronage. RNT