MANILA, Philippines – Aabot sa mahigit P330 milyong flood control projects sa Bulacan ang iniimbestigahan na ngayon matapos maghain ang Commission on Audit (COA) ng apat na fraud audit reports (FARs) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y ghost projects at iligal na paglilipat ng lokasyon ng mga proyekto.
Ayon sa COA, ang mga proyekto ay ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bulacan 1st District Engineering Office at ini-award sa Wawao Builders.
Sa imbestigasyon ng Special Audit Team ng COA, lumabas na may mga proyektong umanong walang naitayo, may inilipat sa ibang lugar nang walang pahintulot, at may ulat ng 100% completion kahit walang aktwal na istruktura.
Sa Malolos City, kabilang sa sinita ang riverbank protection project sa Brgy. Calero na nagkakahalaga ng P77.19 milyon. Dito’y walang makitang istruktura sa aprubadong lokasyon kahit idineklara itong tapos na.
Sa Guiguinto, kinuwestyon din ang riverbank protection project sa Brgy. Malis (Phase III) na nagkakahalaga ng P98.99 milyon. Lumabas sa special audit na itinayo ito sa ibang bahagi ng ilog, taliwas sa plano, at may nakita pang bitak at kakulangan sa dokumento.
Sa Calumpit, tinukoy ang flood mitigation project sa Brgy. Bulusan na nagkakahalaga ng P77.19 milyon. Batay sa satellite images at drone footage, walang ebidensya ng anumang konstruksyon sa lokasyong nakasaad sa kontrata.
Samantala, sa Brgy. Namayan, Malolos City, wala ring nakitang riverbank protection structure para sa proyektong nagkakahalaga ng P77.11 milyon, kahit lampas na sa bisa ng kontrata. Ang itinurong pader ng DPWH ay nasa ibang lugar at walang dokumentong nagpapatunay na awtorisado ang relokasyon.
Kabilang sa mga pinangalanang dawit sa mga ulat sina Engr. Henry C. Alcantara, Engr. Brice Ericson D. Hernandez, Ernesto C. Galang, Jaypee D. Mendoza, Engr. Paul Jayson F. Duya, Engr. Jolo Mari V. Tayao, Engr. Lemuel Ephraim S.D. Roque, Engr. Sheena Bernadette B. Morales, Engr. Jaime R. Hernandez, Engr. Lorenzo A. Pagtalunan, Engr. Emelita V. Morales, Engr. John Michael E. Ramos, Engr. Paycee Nicole D. Dimaano, Engr. Isiah Lor V. Galang, Engr. Mark Lester S. Castro, at Mark Allan V. Arevalo ng Wawao Builders.
Dahil sa mga natuklasan, maaari silang makasuhan ng graft and corruption, malversation of public funds, at falsification of documents, bukod pa sa paglabag sa mga patakaran ng COA at procurement laws.
Ang FARs ay bahagi ng direktiba ni COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba at tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutukan ang umano’y mga katiwalian sa flood control projects.
Sinabi ni Cordoba na magpapatuloy ang kanilang ahensya sa pag-fraud audit sa iba pang proyekto sa Bulacan at inaasahang may susunod pang ulat na ihahain sa ICI. RNT