MANILA, Philippines – TINIYAK ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Director Jay Reyes Dela Fuente na sa Boystown sa Marikina City magpapasko at magbabagong taon ang mga kabataang mapapatunayang sangkot sa pakikipag-rambulan sa labas ng simbahang pinagdarausan ng Simbang Gabi.
Ito ay matapos maglabas ng babala ni Dela Fuente sa mga kabataang mahuhuling makikipag-rambulan o lalahok sa riot bago o matapos dumalo sa Simbang Gabi dahil bukod sa dadalhin ang mga ito sa Boystown ay papapanagutin din nila ang magulang o guardian nito.
Ayon kay Director Dela Fuente, batay sa inilabas na Executive Order No. 2 ni Mayor Isko Moreno, magtatalaga sila ng mga tauhan at mga behikulo sa ilang mga simbahang dinadagsa at pinagdarausan ng Simbang Gabi upang bantayan ang mga kabataan na maaaring gumawa ng hindi tama at nakakaapekto sa pagnonobena ng mga deboto.
Nag-ugat ang pagbabanta ni Dela Fuente matapos ang naganap na rambulan at batuhan ng molotov bomb ng dalawang grupo ng kabataan sa Mabini Bridge sa may Lacson Avenue, Sampaloc, Manila Martes ng madaling araw na sinundan ng riot din ng mga kabataan Miyerkules ng madaling araw sa harap naman ng isang simbahan sa Gagalangin, Tondo.
Nahagip sa kuha ng CCTV ang ang dalawang magkahiwalay na insidente ng riot kung saan lumikha pa ng malaking apoy sa lansangan ang ibinatong mga Molotov bomb sa Lacson Avenue habang nakaapekto naman sa mga nagsisimba ang inihagis na smoke bomb ng mga nag-riot sa Tondo. JAY Reyes