RIZAL, Philippines – Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang 40-anyos na Chinese fugitive na kalaunan ay natuklasang namumuno umano sa isang shabu laboratory sa Rizal.
Ang suspek ay kinilalang Shi Chunfang, na inaresto noong Disyembre 14 sa isang residential area sa Taytay, Rizal, kung saan nagpapanggap umano siyang isang impluwensiyal na lider ng komunidad.
Ayon sa BI, si Shi ay wanted ng pulisya sa China dahil sa kasong kidnapping, at may standing warrant na inilabas ng Public Security Bureau ng Jinjiang City noong 2024. Sinabi rin ng Chinese Embassy na kinansela na ang kanyang pasaporte, kaya itinuturing siyang undocumented alien.
Si Shi ay nasa ilalim din ng blacklist order mula Enero at watchlist order mula Hulyo dahil sa pagiging isang hindi kanais-nais na dayuhan.
Bukod kay Shi, inaresto rin ng BI si Shuguang Fan, 37, na may order to leave mula pa noong 2023 dahil sa matagal at hindi maipaliwanag na pananatili sa Pilipinas.
Nilinaw ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na nasa kustodiya pa rin ng BI si Shi, taliwas sa maling ulat na siya ay pinalaya at muling inaresto ng CIDG. Ayon kay Viado, si Shi ay isang drug kingpin na nagpapatakbo ng shabu lab habang nagkukunwaring ordinaryong mamamayan.
Nakaiskedyul sanang ipa-deport si Shi noong Disyembre 16, ngunit ito ay kinansela upang siya ay sumailalim sa karagdagang imbestigasyon at posibleng kasong kriminal sa Pilipinas. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang BI sa Philippine National Police para sa paghahain ng mga kaso laban sa kanya. RNT/MND