UNITED STATES – Inanunsyo ni US President Donald Trump noong Lunes ang isang bagong klase ng heavily armed warships na tatawaging Trump-class, isang karangalan na kadalasang ibinibigay lamang sa mga dating lider ng bansa.
Ayon kay Trump, dalawang barko ang unang itatayo, ngunit maaaring dumami pa ang bilang sa hinaharap. Sinabi niya na magiging “some of the most lethal surface warfare ships” ang mga ito at “the largest battleship in the history of our country.”
Ang anunsyo ay ginawa sa kanyang Mar-a-Lago residence sa Florida, kasama sina Pentagon chief Pete Hegseth, Secretary of State Marco Rubio, at Navy Secretary John Phelan, kung saan ipinakita rin ang mga imahe ng high-tech vessels.
Tinanong kung ang mga barkong ito ay tugon sa karibal ng US na China, tumanggi si Trump na magbigay ng tiyak na sagot at sinabi: “It’s a counter to everybody, it’s not China. We get along great with China.”
Ayon sa pangulo, ang mga barko ay magkakaroon ng timbang na 30,000 hanggang 40,000 tons, at armado ng missiles, guns, at iba pang armas na kasalukuyang dine-develop, tulad ng lasers at hypersonic missiles. Maaari rin silang magdala ng atomic weapons sa anyo ng nuclear-armed sea-launched cruise missile.
Mas malaki ang Trump-class kumpara sa kasalukuyang US destroyers at cruisers, ngunit bahagyang mas maliit ito kumpara sa Iowa-class battleships na na-retire noong 1990s.
Si Trump, na kilala sa pagbibigay-pansin sa aesthetics ng US ships, ay nagsabing makikilahok siya sa disenyo ng barko kasama ang Navy.
Ilang araw bago ang anunsyo, ipinahayag ng Navy ang plano sa bagong klase ng frigates na tinatawag na FF(X) na magsisilbing complement sa mas malalaking multi-mission warships. Ayon kay Phelan, ang disenyo ng FF(X) ay hango sa umiiral na barko ng United States Coast Guard, at inaasahan na unang ilulunsad ito sa tubig pagsapit ng 2028.
Ayon kay Trump, layon ng proyekto na ibalik ang US bilang pangunahing kapangyarihan sa paggawa ng barko at masiguro na ang USA ay may pinakamalakas na fleet sa buong mundo, na pinangungunahan ng mga battleships.
“We’re going to restore America as a major shipbuilding power. We’re going to ensure the USA has the most powerful fleet anywhere in the world, and long into the future, with battleships helping lead the way,” ani Trump. RNT/MND