Home METRO Bulkang Taal nagpakita ng panibagong paggalaw

Bulkang Taal nagpakita ng panibagong paggalaw

256
0

BATANGAS, Philippines – Nagpakita ng panibagong paggalaw ang Bulkang Taal sa Batangas matapos makapagtala ng panibagong seismic activity at isang minor phreatomagmatic eruption noong weekend, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa bulletin nitong Linggo ng umaga, sinabi ng Phivolcs na nakapagtala ang bulkan ng walong volcanic earthquakes sa loob ng nakaraang 24 oras, kasama ang anim na volcanic tremors na tumagal ng lima hanggang 23 minuto.

Isang araw bago nito, lima lamang na volcanic earthquakes at apat na tremors ang naitala.

Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang volcanic earthquakes ay dulot ng mga prosesong nagaganap sa loob ng aktibong bulkan, habang ang volcanic tremors ay tuloy-tuloy na mababang-frequency na seismic signals.

Noong Biyernes ng hapon, iniulat ng ahensya ang isang minor phreatomagmatic eruption sa summit crater na binubuo ng apat na eruptive pulses na tumagal ng humigit-kumulang dalawang minuto, batay sa seismic at camera monitoring.

“The event generated short, dark ash jets that collapsed back into the main crater lake, along with light gray to whitish plumes that rose up to 600 meters above the crater before drifting southwest,” ayon sa Phivolcs.

Ang phreatomagmatic eruption ay nangyayari kapag nagkakaroon ng kontak ang magma at tubig, na nagdudulot ng pagsabog na may kasamang singaw, abo, at pira-pirasong materyales ng bulkan.

Sa kabila ng mga pangyayaring ito, sinabi ng Phivolcs na nanatiling pangkalahatang tahimik ang Bulkang Taal ngayong buwan. Mula Disyembre 1 hanggang 28, nakapagtala ito ng kabuuang 84 volcanic earthquakes at 22 tremor episodes.

Walang naitalang seismic events noong Disyembre 10–13, 15–21, at 24–26. Tatlong minor phreatomagmatic eruptions din ang naitala ngayong Disyembre.

Mas mataas ang aktibidad ng bulkan noong Nobyembre, kung saan naitala ang 514 volcanic earthquakes at 98 tremors, kabilang ang 128 lindol sa isang araw lamang noong Nobyembre 22, at dalawang phreatomagmatic eruptions.

Mas mataas din ito kumpara noong Oktubre na may 367 earthquakes, 69 tremors, tatlong phreatomagmatic eruptions, at isang phreatic burst.

Sa pinakahuling ulat, sinabi ng Phivolcs na umabot sa 150 metric tons ang sulfur dioxide emissions, na may usok na umakyat lamang hanggang 20 metro.

Wala ring naobserbahang pag-angat ng mainit na volcanic fluids sa main crater lake at walang natukoy na volcanic smog o “vog.”

Nananatili ang Bulkang Taal sa alert level 1, na nangangahulugang may mababang antas ng volcanic unrest.

Binigyang-diin ng Phivolcs na ang alert level 1 ay indikasyon ng “abnormal condition” at hindi nangangahulugang tumigil na ang aktibidad o wala nang posibilidad ng pagputok.

Huling sumabog nang malakas ang Bulkang Taal noong Enero 2020 na nagresulta sa paglikas ng daan-daang libong residente sa loob ng 14-kilometrong danger zone.

Ang Taal ay ikalawang pinaka-aktibong bulkan sa bansa na may 38 naitalang historical eruptions, habang ang Mayon Volcano sa Albay ang pinaka-aktibo na may mahigit 50 pagsabog sa nakalipas na 500 taon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here