Home HOME BANNER STORY 1 patay, 28 sugatan sa pagbangga, pagtagilid ng bus sa Infanta, Quezon

1 patay, 28 sugatan sa pagbangga, pagtagilid ng bus sa Infanta, Quezon

325
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki habang sugatan ang 28 iba pa matapos na bumangga ang isang bus sa Marilaque Highway sa Infanta, Quezon province nitong Lunes ng umaga, Disyembre 29.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) Calabarzon, ang insidente ay nangyari bandang 10:30 ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakita na ang Search Gear Travel and Tours bus, isang Daewoo unit na may plate number UVD 253, ay nag-overshoot sa kalsada habang binabagtas ang patungong Infanta, dahilan para tumama ang bus sa barrier sa gilid at tumagilid.

Ang mga sakay ng bus ay mga miyembro ng Sangguniang Kabataan na patungo sana sa excursion.

Minamaneho ang bus ng isang 46-anyos na lalaki mula Lian, Batangas na hindi naman nasaktan ngunit naka-detain sa Infanta custodial facility for investigation.

Sinabi ng mga awtoridad na ang mga bus at malalaking sasakyan ay hindi pinapayagang dumaan sa Marilaque Highway.

“Actually hindi po ‘yan intended para sa mga bus ang Marilaque Highway. Hindi po dapat sila diyan dumadaan dahil uneven po ‘yung roads. Medyo sharp po ang curves at matarik dahil part po ‘yan ng Sierra Madre,” sinabi ni Infanta Police acting chief Police Major Fernando Credo.

“Ang talagang ruta po nila ay dito po dapat Famy area. Ang pagkakabanggit ng driver ay gumamit ng Waze, itinuro po sila dito sa daan po ng Marilaque,” dagdag pa.

Ang nasawi ay isang 19-anyos na lalaking pasahero, at ang mga sugatan na karamihan ay mga menor de edad ay dinala na sa Claro M. Recto Hospital para gamutin. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here