MANILA, Philippines – Muling kinuwestiyon ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang umano’y maling pahayag ni Batangas 1st district Rep. Leandro Legarda Leviste, partikular ang claim na may P2-milyong Christmas bonus ang mga miyembro ng House of Representatives.
“Hinahanap ko ‘yung bonus. Unang-una sa lahat, meron talagang pattern ng kasinungalingan, falsities, inaccuracies si Congressman Leviste at isa na naman po ito sa halimbawa nun,” saad ni Ridon.
Nilinaw ni Ridon na walang P2-milyong Christmas bonus, ngunit inamin niyang may pondong ibinigay sa mga opisina ng kongresista para sa operasyon at mga programa.
“Hindi totoo na may P2-million Christmas bonus. May mga ibinigay na kaperahan para sa mga opisina ng kongresista para sa mga aktibidad at mga programa at gawain na ginagawa ng mga kongresista. Ibig sabihin hindi iyan para perahin o para sa kapritso,” aniya.
Ayon kay Ridon, ang naturang pondo ay bahagi ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Kamara at “Hindi napupunta sa wallet o pitaka ng kongresista.”
Karaniwang ibinibigay umano ang pondo sa pagtatapos ng sesyon, na huling ginanap noong Disyembre 29.
Nauna nang inakusahan ni Leviste si Ridon ng P150-milyong budget insertion sa 2025 national budget, na itinanggi ni Ridon dahil ginawa umano ang badyet bago pa siya bumalik sa Kamara noong Hunyo 30, 2025.
Samantala, sinabi ni Ridon na maaaring isailalim sa ethics complaint ang paraan ni Leviste sa pagkuha ng mga dokumento mula sa DPWH. RNT/MND