Home NATIONWIDE P33-B farm-to-market roads, ipinatitigil muna ni Pangilinan

P33-B farm-to-market roads, ipinatitigil muna ni Pangilinan

220
0

MANILA, Philippines – Mahigpit ang reserbasyon ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa implementasyon ng P33 bilyong halaga ng farm-to-market roads (FMR) ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kahit pumabor siya sa panukalang General Appropriations Bill para sa 2026.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reforms, na lubhang mapanganib sa anti-corruption efforts at seguridad sa pagkain kapag ibinalik sa DPWH ang pagpapatayo ng FMR.

Aniya, sinuportahan niya ang bicameral conference committee report pero hiniling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang probisyon na payagan ang Department of Agriculture (DA) na pumaloob sa memoranda of agreement sa DPWH para sa ₱33-billion FMR program.

“Kasama ang DPWH sa mga ahensya na magpapatupad ng FMR projects, kaya may reservations tayo sa pagpirma sa bicam report,” ani Pangilinan.

Sinabi pa niya na nananatiling nasa balikat ng DPWH ang hindi nareresolbahang kaso ng administratibo at kriminal na may kaugnayan sa flood control projects.

“Tulad ng pagdisiplina sa ating mga anak, hindi natin binibigyan ng reward ang masamang pag-uugali. Nagbibigay tayo ng time-outs. Kailangang makuha ulit ng DPWH ang tiwala ng taumbayan,” giit niya.

Binanggit pa ng senador na malinaw sa ilalim ng Section 52 ng Republic Act No. 8435, o ang Agriculture and Fisheries Modernization Act, na tungkulin ng DA ang planning at prioritizing ng FMRs sa pakikipagtulungan ng local governments at grupo ng mga magsasaka at mangingisda.

“Di lang pagsesemento ang mga FMR project. Kasangkapang pang-ekonomiya rin ito na direktang nakatali sa pagsiguro ng ating pagkain,” aniya.

“Pinagpapasyahan ang mga FMR batay sa kung ano ang kailangan ng agrikultura, hindi ng pangkalahatang prayoridad sa pagawaing bayan,” paliwanag ng senador.

Tinukoy pa ni Pangilinan na hindi natutupad ng DPWH ang backlog nito na 60,000 kilometro ng FMR base sa datos ng DA.

“Doon pa lang, dapat na tayong huminto sandali bago bigyan sila ulit ng malaking pondo,” giit niya.

“Hindi naman basta-basta masasabing mabilis, dun na tayo. Ang isyu ay kredibilidad at kapasidad,” dagdag niya, saka iginiit ang Public-Private Partnership Code na pinagtibay nitong December 2023 bilang pamamaraan na gamitin ang pribadong kapital sa pagpapabilis ng proyekto at tiyakin ang pananagutan nang walang overloading sa DPWH.

“Bumoto ako ng yes dahil kailangan ng bansa ng budget,” ani Pangilinan.

“Pero sa puntong ito, kailangan ng veto ng Pangulo para protektahan ang magsasaka, bantayan ang pondo ng bayan, at panatilihing nakatutok ang mga kalyeng sakahan sa pagpapakain sa bayan,” dagdag niya.

(Ernie Reyes)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here