MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Transportation (DOTR) nitong Biyernes, Enero 9 na naayos na nito ang kabuuang 90.76% right-of-way (ROW) at mga ari-arian para sa konstruksyon ng Metro Manila Subway Project (MMSP).
Para sa north segment ng North-South Commuter Railway (NSCR), ay nasa 56% naman ang acquired ROW nito.
Sa kalatas, sinabi ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez na ang 2025 ay “banner year” sa ROW acquisition ng ahensya para sa flagship railway initiatives ng pamahalaan.
Iginiit ni Lopez na Pebrero noong nakaraang taon ay nasa 51% lamang ang acquired ROW para sa MMSP habang nasa 2% lamang ang sa NSCR north segment.
Tinugunan din aniya ng ahensya ang “major bottlenecks” sa ROW ng MMSP katulad ng Varilla properties at ang mga ari-arian sa White Plains, Corinthian Gardens, at Metrowalk.
Aniya, pinabilis ng DOTR ang ROW at site acquisition process sa pamamagitan ng mga inisyatiba kabilang ang pagkakatalaga kay Assistant Secretary for ROW and Site Acquisition IC Calaguas.
Nagtalaga rin ang DOTR ng ROW at site acquisition personnel nito na mula 200 ay ginawang 900 para pabilisin ang land acquisition process, habang nagsasagawa rin ng capacity building at training programs.
Para sa NSCR north segment, ang bilang ng acquired land parcels ay tumaas sa 1,143 hanggang noong Disyembre 2025 mula sa 38% noong Pebrero 2025.
Ani Lopez, sa kasalukuyang sitwasyon, “the DOTr can complete ROW acquisition for NSCR’s north segment by mid-2026.”
Para naman sa south segment ng NSCR, sinabi niya na apat sa 19 ROW ng mga istasyon ay maayos na. Ito ay ang EDSA, Cabuyao at Sta Rosa sa Laguna at Banlic depot. RNT/JGC