Home HOME BANNER STORY Legalidad ng unprogrammed funds iginiit ni Sotto

Legalidad ng unprogrammed funds iginiit ni Sotto

219
0

MANILA, Philippines — Mariing iginiit ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nananatiling konstitusyonal ang unprogrammed appropriations (UA), batay sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema.

Ito’y kaugnay ng petisyong inihain nina Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima at Caloocan Rep. Edgar Erice na kumukuwestiyon sa P150.9 bilyong unprogrammed funds sa P6.793-trilyong 2026 national budget.

Ayon kay Sotto, ang UA ay nagsisilbing “standby appropriation” na maaari lamang ilabas kapag natugunan ang malinaw na kundisyong piskal at dumaan sa mahigpit na beripikasyon.

“Hindi ito maaaring gamitin kung walang pondo. Kaya nga ito inilalagay sa ilalim ng unprogrammed funds,” ani Sotto.

Nauna nang i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pitong UA na nagkakahalaga ng P92.5 bilyon, dahilan upang manatili na lamang ang P150.9 bilyon para sa tatlong programa:

Support for Foreign-Assisted Projects – P97.306 bilyon

Program on Risk Management – P3.6 bilyon

AFP Revised Modernization Program – P50 bilyon

Bagama’t iginiit ng mga petitioner na nilalabag ng UA ang Konstitusyon dahil hindi umano ito nakabatay sa aktuwal na pinanggagalingan ng pondo, sinabi ni Sotto na malinaw na pinahihintulutan ito ng Korte Suprema sa mga naunang desisyon.

Dagdag pa niya, mas “malinis” na ngayon ang 2026 budget matapos alisin ang mga kuwestiyonableng item.

Naniniwala rin ang Senate chief na malalampasan ng UA ang mga legal na hamon.

“Hindi basta-basta binabago ng Korte Suprema ang sarili nitong mga desisyon,” ani Sotto. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here