MANILA, Philippines – Nalagpasan ngayong taon ang tagal o haba ng oras ng pagbalik sa Dambana ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno ang imahe ng Viva Señor Jesus Nazareno sa nagdaang mga pagdaraos ng Traslacion.
Ito ay maituturing na pinakamatagal na Traslacion sa loob ng dekada kung saan nagsimula ito ng 3:58 ng madaling araw nitong Biyernes, Enero 9 ngunit lumampas na sa mahigit 24 oras ngunit hindi pa nakarating sa isa sa pinaka-highlight ng pagdiriwang, at ito ay ang pagdungaw o dungaw.
Nauna nang sinabi ni Alex Irasga, spokesperson at Technical adviser ng Nazareno 2026 na posibleng abutin ang Traslacion ng 24 oras.
Taliwas ito sa inaasahan sanang mas mabilis nang pag-usad ng andas at mas maagang pagbalik sa Simbahan ng Quiapo ng Poong Jesus Nazareno dahil sa ginawang mga pagbabago sa mismong andas.
Bukod kasi sa dalawa na ang gulong ng andas ay iniba rin ang disenyo ng andas upang hindi na masampahan pa ng mga deboto.
Gayundin, sinabi ni Irasga na may manibela at power steering na ang andas kaya makokontrol na nito ang pag-usad ng andas ngunit dahil sa mga agresibong mga grupo ng kabataang deboto, lalo namang natagalan at nag-atras abante ang paggalaw ng andas.
Isa rin sa naging dahilan ng pagbagal ng usad ng andas ay ang pagkakaputol ng lubid na isinasalya ng mga deboto sa bahagi ng Quezon Boulevard.
Sa bahagi naman ng pagbaba ng Ayala Bridge kung saan kakaliwa at papasok sa Palanca Street ay nabuwag naman ang barikada ng mga pulis dahil din sa mga deboto na nagpumilit na salubungin ang Traslacion.
Tumagal ang prusisyon sa kahabaan ng Palanca Street, Quezon Boulevard at lalo na sa Arlegui Street at iba pang ruta ng prusisyon sa loob ng Quiapo area pabalik ng Simbahan dahil sa maliliit ng mga kalsada.
DUNGAW
Bandang alas-4 ng umaga ng Sabado
na poopng makarating ang andas sa San Sebastian Church para sa ‘dungaw’ ni Virgin Mary kay Jesus Nazareno.
Naitala ang bilang ng mga deboto na lumahok sa Traslacion mula sa Quirino Grandstand, Ayala Boulevard at Quiapo sa mahigit 1.2 milyon deboto batay sa datos mula sa Command Post ng Quiapo church umaga na ng Sabado. Jocelyn Tabangcura-Domenden