Home NATIONWIDE Due process, rule of law mananaig kasunod ng pagsibak sa Army colonel

Due process, rule of law mananaig kasunod ng pagsibak sa Army colonel

264
0

MANILA, Philippines – IPATUTUPAD ang ‘due process at rule of law’ sa kaso ng isang Army colonel na sinibak sa puwesto matapos bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang accountability o ang pananagutan ay dapat na base sa ebidensiya.

“Nakikinig at nagmamatyag ang Pangulo. Kung sinuman ang may dapat na may panagutan, ebidensya ang gamitin,” ayon kay Castro.

“Due process ang pairalin at kung ano ang sinasabi ng batas, ‘yun ang ipapatupad,” aniya pa rin.

Sa ulat, tinanggal sa pwesto ang isang Philippine Army (PA) officer matapos ang umano’y pagpapahayag nang pagbawi ng suporta kay Pangulong Marcos na kumalat sa social media.

Nabatid na bukod sa pagbawi ng suporta, nagbitaw din ito ng pahayag na “Sobra na, Tama na”.

Dahil dito, inilagay ni Lt. Gen.Antonio Nafarrete, PA commanding general, si Colonel Audie A. Mongao, commander ng Training Support Group sa ilalim ng Training Command (Tracom) ng “attached/unassigned (AU) status” na nangangahulugang pansamantala siyang tinanggal sa kaniyang kasalukuyang posisyon at walang aktibong assignment.

Sa pahayag ni Army Spokesperson Col. Louie de Maala, ipinagbigay alam sa kanya ni Training Command Commander Maj. Gen. Michael Logico ang kumpirmasyon na epektibo nitong Huwebes ang pagkakasibak sa puwesto kay Mongao.

Ayon sa PA, nasa New Year break status si Mongao at sa kabila ng kanilang pagsisikap ay hindi pa nila ito nakakausap.

Gumugulong na rin ang imbestigasyon upang matukoy ang posibleng administratibo at legal na pananagutan ng nasabing opisyal kaugnay ng kanyang social media post.

Iginiit naman ni Logico na nananatiling propesyunal at tapat ang Philippine Army sa chain of command.

Samantala,suportado naman ng United People’s Initiative ang panagawan ni Mongao na pagbibitiw ni Pangulong Marcos. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here