NAKAGUGULAT ang bilang pagbabagong inihayag ng Department of Transportation kaugnay sa nakasanayang tanawin sa kalsada kung saan kapag nagkamali ang driver ng pribado o pampublikong sasakyang ay awtomatikong kinukumpiska ang lisensya.
Sa isang kisapmata, iniutos ng DOTr sa Land Transportation Office na itigil muna ang pagkumpiska ng driver’s license, malinaw na may kinikilalang problema ang sistema at ito’y hindi lang usapin ng trapiko kundi ng karapatan at due process.
Sa pananaw ng mga tulad kong abogado, ang pagkumpiska ng lisensya sa mismong oras ng huli ay isang uri ng parusang ipinapataw bago pa man mapatunayan ang pananagutan. Ang lisensiya ay hindi simpleng ID; ito ay pribilehiyong may kalakip na karapatan na hindi basta-basta dapat inaalis nang walang malinaw at makatarungang proseso.
Sa puntong ito, tama ang direksyon ng DOTr na ang parusa ay hindi dapat nauuna sa hatol.
Ngunit huwag tayong magpabulag sa ideya na ito’y ganap na panalo ng motorista. Kasabay ng suspensyon ng kumpiskasyon ay ang mas mahigpit na mekanismo at ito ang agarang paglalagay ng lisensya sa “alert” status at ang awtomatikong suspensyon o revocation kapag nabigong mag-ayos ng kaso sa loob ng 15 working days.
Hindi na 15 calendar days, isang tahimik ngunit makabuluhang pagbabago na nagpapahaba ng palugit ngunit nagtatanggal ng dahilan para magpabaya.
Para sa inyong lingkod, ang polisiya ay tila mas makatao, ngunit mas matalim. Hindi ka na mapapahiya sa kalsada, hindi ka na mawawalan ng kakayahang magtrabaho sa loob ng isang araw dahil lang sa huli. Subalit kung ikaw ay tatakas sa obligasyon, ang sistema ang hahabol sa’yo na tahimik, awtomatiko, at mas mabigat ang bagsak. Walang drama sa checkpoint, pero may ngipin sa likod ng database.
Gayunman, may hamon na hindi dapat ipagwalang-bahala. Ang alert system ng LTO ay kailangang airtight kung saan dapat ay malinaw ang abiso sa motorista, mabilis ang updating, at may access ang publiko sa status ng kanilang lisensiya. Kung hindi, ang reporma ay mauuwi sa bagong anyo ng kalituhan o mas masahol, pang-aabuso. Ang due process ay hindi lamang nasa polisiya subalit ito’y nasa implementasyon.
Ang utos ng DOTr ay paalala na ang batas trapiko ay hindi dapat maging instrumento ng panggigipit, kundi mekanismo ng disiplina na may hustisya. Ang motorista ay hindi kalaban ng estado sa halip sila’y mamamayang may pananagutan at karapatan.
Ang tunay na tagumpay ng repormang ito ay hindi kung gaano karaming lisensya ang masususpinde, kundi kung gaano karaming Pilipino ang muling magkakaroon ng tiwala na sa kalsada na tulad ng batas ay may saysay pa rin ang pagiging patas.






