MANILA, Philippines – Umabot na sa 26 ang bilang ng namatay sa landslide sa Cebu City landfill, habang sampung katao ang nawawala, ayon sa mga awtoridad nitong Biyernes.
Ang landslide sa Binaliw landfill noong Enero 8 ay nagdulot ng pagkakabury ng mga manggagawa at opisina sa ilalim ng toneladang basura.
Ayon kay SFO3 Wendell Villanueva ng Cebu Fire Bureau, patuloy ang search-and-rescue operation sa pag-asang magkaroon pa ng “miracle” para sa nawawala.
Idinagdag niya na malalaking debris at bakal ang humahadlang sa operasyon, na nagpapabagal sa rescue efforts.
Samantala, pansamantalang sinuspinde ang search, rescue, at retrieval operations nitong Biyernes dahil sa tuloy-tuloy na malakas na ulan na nagdulot ng panganib sa mga rescuers, ayon kay Senior Fire Officer I Fulbert Navarro ng Bureau of Fire Protection Special Rescue Force.
Idinagdag niya na nandoon pa rin ang mga kagamitan sa lugar habang naghihintay ng karagdagang instruksyon kung kailan uulitin ang operasyon.
Patuloy ang paghahanap at pagkilala sa mga labi, at kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamilya ng mga biktima.
Sinusuri ng Prime Waste Solutions Cebu at ng Army’s 53rd Engineer Brigade ang katatagan ng lugar bago ipagpatuloy ang operasyon. Naglabas ang DENR Central Visayas ng cease-and-desist order laban sa landfill operator, na nagbigay na rin ng pinansiyal na tulong, saklaw sa medikal na gastos, at gastusin sa libing ng mga apektadong pamilya.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng trahedya at ang mga mananagot, ngunit nakatuon ang fire bureau sa kasalukuyan sa pagliligtas sa mga nawawala. Santi Celario