MANILA, Philippines – Ayon sa Philippine National Police–Firearms and Explosives Office (PNP-FEO), maaaring isuko ng kampo ni gaming tycoon Charlie “Atong” Ang ang kanyang mga baril sa pulisya matapos bawiin ang kanyang firearms licenses.
Si Ang ay patuloy na tinutugis at may kinakaharap na mga kasong kidnapping kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Sinabi ni PNP-FEO Chief Brig. Gen. Jose Manalad na “His immediate family members or relatives may surrender the firearms, or even his lawyer.”
Maaari rin umanong makipag-ugnayan sa pinakamalapit na istasyon ng pulis o sa Regional Civil Security Unit (RCSU).
Mayroon umanong limang araw mula sa pagtanggap ng abiso ang kampo ni Ang upang isuko ang mga baril.
Gayunman, ayon kay Manalad, “For now, we have yet to receive reports confirming that they have received the letter.”
Ipinahayag ng PNP na ang pagbawi ng lisensya ay bahagi ng pagsisikap na maaresto si Ang.
Batay sa Republic Act No. 10591, maaaring bawiin ang lisensya ng may-ari ng baril kung may kinakaharap itong krimeng may parusang higit sa anim na taong pagkakakulong.
Si Ang ay nahaharap sa mga kasong kidnapping, serious illegal detention, at kidnapping with homicide, na may parusang 12 hanggang 20 taong pagkakakulong.
Babala naman ni CIDG-NCR Chief Col. John Guiagui na kung hindi isusuko ang mga baril, “we will apply for a search warrant.”
Kapag ito’y naaprubahan, magsasagawa umano sila ng operasyon upang bawiin ang mga armas.
Batay sa tala ng PNP-FEO, may Type 5 firearms license si Ang na nagpapahintulot sa pagmamay-ari ng 15 o higit pang baril.
Naitalang pag-aari niya ang tatlong pistola, dalawang riple, at isang revolver, na nakarehistro sa isang address sa Mandaluyong City. RNT/MND