MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Coast Guard sa Bicol (PCG-5) na may 6,231 pasahero at 2,275 rolling cargoes na stranded sa mga pantalan sa rehiyon dahil sa suspensyon ng paglalayag dulot ng Tropical Storm Ada.
May kabuuang 44 barko ang pansamantalang nakadaong sa mga pantalan sa Albay, Masbate, Camarines Sur, at Sorsogon.
Sinabi ni PCG-5 Commander Commodore Ivan Roldan na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad sa pantalan, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensiya upang bantayan ang sitwasyon at magbigay ng tulong.
May mahigpit na mga babala sa kaligtasan at mga regulasyon sa paglalayag, kung saan ipinagbabawal ang mga barko na maglayag o magsagawa ng mga operasyon sa ilog maliban kung ligtas ang mga kondisyon.
Ang sentro ng Tropical Storm Ada ay tinatayang nasa 140 kilometro hilagang-silangan ng Virac, Catanduanes, base sa 11 a.m. bulletin.
Hinikayat ni Roldan ang publiko na manatiling alerto, sundin ang mga opisyal na advisories, at iwasan ang paglalayag sa dagat at ilog habang tumatagal ang bagyo. Jocelyn Tabangcura-Domenden