MANILA, Philippines – Magkakaroon ng malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo simula Martes, Enero 20, matapos mag-anunsyo ang ilang kompanya ng langis ng pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosina.
Inihayag ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na itataas ang presyo ng gasolina ng P1.00 kada litro, diesel ng P2.00 kada litro, at kerosina ng P1.50 kada litro.
Magpapatupad din ang Cleanfuel at Petro Gazz ng parehong pagtaas, bagama’t hindi sila nagbebenta ng kerosina.
Magsisimula ang pagtaas sa alas-6 ng umaga ng Martes para sa karamihan ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na ipatutupad ang pagtaas sa alas-4:01 ng hapon ng parehong araw.
Wala pang anunsyo ang ibang kompanya ng langis tungkol sa pagtaas.
Nauna nang nag-forecast ang Department of Energy-Oil Industry Management Bureau ng pagtaas ngayong linggo dahil sa pangamba na maaaring maapektuhan ang suplay ng krudo dahil sa paglala ng tensiyon sa Iran.
Noong nakaraang linggo, nagtaas ang mga retailers ng P0.30 kada litro para sa gasolina, P0.20 para sa diesel, at P0.30 para sa kerosina. Dave Baluyot