MANILA, Philippines – Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), pinipigilan ng tumaas na presyo ng langis ang mga mangingisdang bayan dahil tumataas ang gastos sa pangingisda.
Sinabi ni Fernando Hicap, Pamalakaya Chairperson, na umaabot sa 80 porsiyento ng kabuuang gastos sa pangingisda ang panggatong, kaya napipilitan ang mga mangingisda na bawasan ang oras sa laot at tanggapin ang mas mababang kita.
“Kaakibat ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo ay ang pagtaas ng gastos sa pangingisda. Para makaangkop, binabawasan na lamang ng mga mangingisda ang konsumong langis na nangangahulugan ng mas maiksing oras sa laot at mas mababang kita,” ani Hicap.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, nanawagan ang Pamalakaya sa Department of Agriculture (DA) na agad ipatupad ang Fuel Assistance Program para sa mga mangingisdang bayan.
Binanggit din ng grupo na dapat tanggalin ang Oil Deregulation Law, na umano’y nagiging dahilan para manipulahin at labis na itaas ng mga kumpanya ang presyo ng langis.
Itinuro ng Pamalakaya na ngayong linggo, tumaas ang diesel ng P2 kada litro at gasolina ng P1 kada litro, na ikaapat na sunod-sunod na oil price hike ngayong taon. RNT/MND