Home METRO 1 katawan narekober sa search and rescue ops ng nawalang motorbanca sa...

1 katawan narekober sa search and rescue ops ng nawalang motorbanca sa Davao – PCG

190
0

MANILA, Philippines – Isa pang lumulutang na bangkay ang narekober sa nagpapatuloy na search and rescue (SAR) operations para sa nawawalang motor boat na MBCA Amejara, ayon sa Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM) nitong Linggo ng gabi.

Dahil dito, umabot na sa anim ang kabuuang bilang ng mga bangkay na narekober sa paghahanap sa sakay na 15 pasahero na naiulat na nawawala noong Enero 19.

Ang pinakahuling katawan ay nakuha ng bangka ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa karagatan malapit sa Buca Point, Maasim, Sarangani at inilipat sa BRP Panglao para dalhin sa Balut Island para sa pagsusuri.

Hanggang Lunes, siyam na pasahero ng MBCA Amejara ang nananatiling nawawala, habang isang survivor ang na-rescue noon.

Sa isang online press briefing, sinabi ni CGDSEM commander Commodore Philipps Soria na matapos ang pitong araw ng SAR operations, hindi pa lilipat ang operasyon sa retrieval phase.

Dagdag niya, maglilipat-lipat ang mga search team sa pagitan ng Sector 4 at katabing Sector 3 batay sa updated drift analysis na nagpapakitang maaaring umikot ang mga labi malapit sa Sarangani Bay at hilagang bahagi ng Celebes Sea.

Ang limang bangkay na narekober noong Enero 24 ay natagpuan sa Sector 4, ang pinakamalawak na search zone sa karagatang sakop ng Southern Mindanao, na kinabibilangan ng malalalim na offshore waters sa timog ng Celebes Sea, timog-kanluran ng Sarangani at Davao Occidental.

Tiniyak ng Philippine Coast Guard na magbibigay ito ng napapanahon at tamang impormasyon habang nagpapatuloy ang operasyon, at patuloy ang koordinasyon ng CGDSEM sa iba’t ibang ahensya tulad ng Naval Forces Eastern Mindanao, Eastern Mindanao Command, Philippine Air Force – Tactical Operations Wing Eastern Mindanao, at Office of Civil Defense sa Davao Region. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here