MANILA, Philippines – Kinumpirma ng MARINA Regional Office IX sa Zamboanga City na hindi overloaded at lahat ng statutory at safety documents ng M/V Trisha Kristen 3 ay balido sa panahon ng trahedya.
Kasabay ng pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG) sa search, rescue at investigation efforts, ang MARINA ay nagpadala ng isang investigation team upang alamin ang posibleng sanhi o mga dahilan na nagdulot sa insidente.
Ayon sa inilabas na pahayag ng MARINA, angkop na aksyon ang gagawin batay sa resulta ng imbestigasyon.
Tinitiyak ng MARINA sa publiko na nanatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan sa dagat at nakatuon ito sa pananagutan at pagpigil sa mga gayong insidente sa hinaharap.
Ang M/V Trisha Kristen 3 ay lumubog sa karagatan hilagang-silangan ng Baluk-Baluk Island sa Basilan.
Sa paunang imbestigasyon, ang barko ay hindi overloading at may tamang kapasidad ng pasahero nang maganap ang insidente.
Maglalabas naman ng update ang MARINA sa isinasagawa nilang imbestigasyon kaya hindi pa maibigay ang maaring pananagutan o penalties ng Aleson Shipping na may-ari ng lumubog na RoRo vessel. — Jocelyn Tabangcura-Domenden