Home METRO Empleyado ng DENR Region 2, huli sa ‘pangongotong’

Empleyado ng DENR Region 2, huli sa ‘pangongotong’

260
0

CABAGAN, Isabela — Huli sa entrapment operation ng pulisya ang isang empleyado ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Region 2 dahil sa umano’y robbery-extortion o pangongotong.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Merwin Villanueva, hepe ng Cabagan Police Station, kay PCol. Manuel Bringas, Acting Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, nagsumbong sa kanilang himpilan ang 56-anyos na negosyante sa Barangay Catabayungan, Cabagan, Isabela, tungkol sa pangingikil ng 35-anyos na babaeng suspek.

Sa salaysay ng biktima, unang linggo noong November 2025 nang nakatanggap siya ng liham mula sa DENR Regional Office 2 kaugnay sa alegasyong hindi maayos na pagtatapon ng gamit na langis at baterya sa kanyang gasolinahan.

Nang makausap ng biktima ang suspek, nangako umano itong aayusin ang problema kapalit ng P60,000 at nagbanta pa ng posibleng ipasara ang negosyo kung hindi mababayaran ang hinihinging halaga.

Dahil dito, nagbigay ang complainant ng tseke na P40,000 at karagdagang P20,000 cash.

Muling humingi ng pera ang suspek, na naging dahilan para humingi ng tulong ang biktima sa pulisya.

Sa ikinasang entrapment operation, nahuli sa akto ang suspek na tinanggap ang P60,000 na binubuo ng dalawang tunay na tig-P1,000 na may powder dust at 58 pirasong boodle money.

Nakumpiska rin sa suspek ang cellphone na hinihinalang gamit niya sa transaksyon.

Inihahanda na ang kaukulang reklamo laban sa suspek na nasa kustodiya ng Cabagan Police Station. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here