MANILA, Philippines – Usap-usapan at naging viral sa ilang Facebook Pages ang isang solar multi-purpose project sa Bacoor, Cavite na inakala ng marami ay dinaya o sobra ang pondo na nilaan.
Sa larawan makikita ang maliit na multi-purpose hall sa isang barangay sa Bacoor; Cavite kung saan tinatayang P9.8 milyon ang pondo nito. Kaya inakala ng netizens na may bahid ng anomalya ang proyekto.
Mabilis naman ang naging tugon ng alkalde ng City Bacoor sa FB Live nito para linawin.
“Minabuti ko na ipaliwanag ang ginagamit ng ilang content creators. Ang solar-powered na multi-purpose project na sinasabi ay hindi pa po tapos para maging malinaw sa ating mga netizens,” pahayag ni Bacoor City Mayor Strike Revilla sa FB Live nito.
“Natigil po ang proyekto na iyan dahil sa biglaan na pagkakaroon ng national project ng Department of Public Works and Highway (DPWH) kung saan kailangan mag-intay bago muling ituloy ang LGU project (multi-purpose) na ‘yan,” dagdag ni Mayor Strike na walang nakalaban sa mga nagdaan na eleksyon dahil sa ganda ng serbisyo.
Nabanggit din ng alkalde na sa sandaling matapos ang national project ng DPWH at ma-ipagpatuloy ang proyekto ay tiyak na maghahatid muli ng kagandahan at kaginhawan sa mga taga-Bacoor City, Cavite.
Sa kabila ng ilang batikos ng netizens mula sa ibang lugar, si Mayor Strike ay nananatili na minamahal at pinagkakatiwalaan ng mga taga Bacoor City. RNT