Home METRO Mga parak, sasanayin sa kompyuter

Mga parak, sasanayin sa kompyuter

163
0

MANILA, Philippines — Maglalaan ang Philippine National Police (PNP) ng mga digital literacy program para sa mga tauhan nito upang mas epektibong matugunan ang tumitinding banta ng online financial fraud, lalo na ang may kinalaman sa e-wallet accounts.

Ani acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng hakbang na matiyak na may sapat na kasanayan ang mga pulis upang hindi lamang makasabay kundi manguna sa mga cybercriminals.

“We must equip our personnel with the necessary skills not only to keep up but to be ahead of cybercriminals at all times,” ayon kay Nartatez sa isang pahayag noong Martes.

Inanunsyo ito kasunod ng coordinated nationwide operation ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) noong Enero 21 sa Quezon City, Davao Oriental, at Maynila, kung saan inaresto ang walong indibidwal. Iniulat na ang mga suspek ay sangkot sa online sale ng e-wallet accounts, na karaniwang konektado sa cyber fraud at digital scams.

“This case of eight individuals is just the tip of the iceberg,” ani Nartatez, na nagsabing ang lawak ng mga ganitong network ay nangangailangan ng mas tech-savvy na pwersa ng pulisya.

Ayon sa PNP, nakikipag-ugnayan ito sa mga financial technology company at mga community group upang turuan ang publiko tungkol sa ligtas na online practices.

Kamakailan, nakipagtulungan ang PNP-ACG sa online lender na JuanHand upang protektahan ang mga borrower mula sa cybercrime at scams.

Nakatuon ang kolaborasyon sa public awareness campaigns, consumer education sa safe borrowing, at pagtukoy sa predatory lending schemes sa pamamagitan ng information sharing, training programs, at workshops tungkol sa umuusbong na cyber threats. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here