MANILA, Philippines – Naaresto ang isang lalaki sa Lipa City, Batangas matapos umanong paulanan ng bala ng baril ang isang sasakyan lulan ang anim na Grade 12 student dahil sa doorbell prank.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, nangyari ang insidente bandang 2:30 a.m. habang dinadala ng mga estudyante ang kanilang kaklase sa kanyang bahay.
“While waiting, one of the victims pressed the doorbell of the suspect’s residence, which may have triggered the suspect’s anger. Fearing for their safety, the driver immediately sped away from the scene,” sabi ng pulisya.
Lumabas ang suspek ng bahay na may dalang baril at nagpaputok sa sasakyan mula sa likuran.
Ipinabatid ng mga estudyante sa kanilang mga magulang ang insidente, at nireport ito sa Lipa Component City Police Station.
Naaresto ang suspek sa isang follow-up operation at nasamsam ang isang Optimus Custom .45 caliber pistol na may magasin na may dalawang buhay na bala.
Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Lipa CCPS at nahaharap sa kasong attempted murder at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Mary Ann Sapico