MANILA, Philippines – Itinuring ng Malacañang na isang “atake” sa administrasyon ang mga impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sinabi nitong maaring maapektuhan hindi lamang ang Punong Ehekutibo kundi pati ang ekonomiya ng bansa.
May tatlong complaint na naisampa nitong buwan laban sa Pangulo kaugnay ng umano’y mga kuwestiyonableng insertions sa pambansang badyet, bukod pa sa iba pang dahilan para sa kanyang pagtanggal sa opisina.
“Ginagalang po ng Pangulo kung ano man pong activities ang ginagawa ng House of Representatives so hayaan po natin na umandar ang proseso,” ani Communications Undersecretary Claire Castro.
“In a way yes dahil ang anumang pagsasampa ng impeachment complaint ay hindi lang ang Pangulo ang maaapektuhan kung hindi ang bansa at ekonomiya.”
Binigyang-diin ng Malacañang na iginagalang ni Marcos Jr. ang konstitusyonal na proseso at hindi niya hahadlangan ang impeachment proceedings.
“Ang Pangulo ay gumagalang sa proseso. Itong mga impeachment complaint na naisampa laban sa Pangulo ay hindi mapapahinto ang Pangulo sa kaniyang pagtratrabaho para iangat ang buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa ni Castro.
Pinuri rin ng Palasyo si First Son at House Majority Leader Sandro Marcos sa kanyang boluntaryong pag-iinhibit sa lahat ng impeachment proceedings laban sa kanyang ama.
“The act of Cong. Sandro Marcos inhibiting himself voluntarily from this issue… It is a hallmark of a statesman. It shows his character, it shows his decency and we believe it is the right thing to do.”
Nilinaw ng Malacañang na walang kinalaman ang Pangulo sa desisyon ng kanyang anak, bilang pagpapahalaga sa kanyang mandato bilang kongresista. RNT