MANILA, Philippines – Magsasagawa ng karagdagang imbestigasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa bilang ng narekober na labi sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3.
Ito ay matapos hindi magtugma ang bilang mula sa unang pahayag ng PCG na 10 pa ang nawawalang pasahero, ngunit nakarekober ng 11 pang labi kahapon, Enero 29, sa nagpapatuloy na search and rescue operation sa katubigang sakop ng Baluk-Baluk Island, Basilan.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, sumasailalim sa retrieval procedure ang mga labi, sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Basilan.
Ito ay upang malaman ang kanilang pagkakakilanlan at maipagbigay-alam sa kanilang mga naiwan na mahal sa buhay.
Ayon sa PCG, ang gagawing imbestigasyon ay para matiyak ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na sakay ng lumubog na roro vessel.
Kaugnay nito, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa dahilan ng paglubog ng MV Trisha Kerstin 3.