MANILA, Philippines – Umusad sa committee level sa House of Representatives ang panukalang batas na magbibigay daan sa TESDA-led training at livelihood programs para sa mga rehabilitated drug dependents.
Ang House Bill (HB) No. 4699 ay inakda ni dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez at ng Tingog Party-list na pinangunahan ni Jude Acidre. Nilalayon ng panukala na bigyan ng market-ready skills ang mga nakapag-rehab habang nag-aalok ng incentives sa mga employer na tatanggap sa kanila.
Ayon kay Acidre, chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, “When TESDA training is matched with actual job opportunities and incentives for companies, people who did the hard work of rehabilitation can finally move forward with more hope for a better future.” Idinagdag niya na makakatulong ito sa mga indibidwal na nahaharap sa social stigma at mahirap makahanap ng disenteng trabaho.
Sa ilalim ng panukala, TESDA, katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE), ang magdidisenyo at magpapatupad ng technical-vocational training at livelihood programs para sa mga rehabilitated drug dependents. Layunin nitong magturo ng kompetitibong kasanayan na maaaring magbukas ng wage employment o maliit na negosyo.
Ang DOLE naman ay magbibigay ng incentives sa mga kompanyang tatanggap sa graduates ng TESDA programs, para maging tulay ang training sa aktwal na trabaho. Ipinapaloob din sa panukala ang integrasyon ng pondo sa General Appropriations Act para siguraduhing tuloy-tuloy at sapat ang suporta sa training slots, kagamitan, at scholarships.
Itatakda ng TESDA at DOLE ang implementing rules and regulations sa loob ng 60 araw mula sa bisa ng batas, kabilang ang standards sa course design, certification, employer engagement, at monitoring ng employment outcomes.
Matapos ang committee approval, ihaharap na ang panukala sa plenaryo, kung saan inaasahan ang bipartisan support dahil sa pokus nito sa second-chance employment, partnerships sa industriya, at measurable results tulad ng job placement at enterprise start-ups ng mga graduates. RNT/MND