Home METRO P69.8-M allowance sa mga guro ng pampublikong paaralan sa Maynila, ilalabas na!

P69.8-M allowance sa mga guro ng pampublikong paaralan sa Maynila, ilalabas na!

255
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang ilabas ngayong Lunes, Pebrero 2, ang P69.8 milyong allowance para sa mga guro ng pampublikong paaralan sa ilalim ng Schools Division Office (SDO) ng Maynila, ayon kay Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.

Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall, sinabi ni Domagoso na ang mga allowance ng mga guro—na sasaklaw sa 11,633 benepisyaryo para sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre 2025—ay ilalabas na ngayong linggo.

Bukod sa benepisyo ng mga guro, sinabi rin ni Domagoso na maglalabas ang lungsod ng ₱9.68 milyong allowance para sa 6,452 mag-aaral ng pampublikong paaralan sa antas ng Grade 12, na sasaklaw din sa huling quarter ng 2025. Dahil dito, aabot sa kabuuang ₱79.48 milyon ang ilalabas ng lungsod kaugnay ng SDO para sa nasabing panahon.

Bukod pa sa mga alokasyon para sa SDO, inanunsyo rin ng alkalde ang pagpapalabas ng ₱26.03 milyong allowance para sa 8,675 mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), na sasaklaw sa Oktubre hanggang Disyembre 2025.

Maglalabas din ang lungsod ng ₱11.10 milyong allowance para sa 5,551 mag-aaral ng Universidad de Manila (UDM), na sasaklaw sa Oktubre hanggang Nobyembre 2025.

Ayon kay Domagoso, ang allowance program ay nilikha upang matiyak ang patuloy na pagpasok sa paaralan ng mga mag-aaral na kapos sa pananalapi.

“Noong 2019, minabuti kong gumawa at magpasa ng ordinansa upang bigyan sila ng allowance, para walang mag-aaral na hindi makapasok kahit pamasahe man lamang,” ani Yorme.

Makakatanggap din ng suporta ang mga uniformed personnel, kung saan ilalabas ang ₱26.03 milyon para sa lahat ng kawani ng Manila Police District (MPD) para sa ikaapat na quarter ng 2025, at ₱2.76 milyon naman para sa Manila Fire District (MFD) para sa parehong panahon.

Kasama rin sa karagdagang alokasyon ang ₱150,000 para sa mga benepisyaryo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa Oktubre hanggang Disyembre 2025, at ₱3 milyon para sa 400 kawani ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na sasaklaw sa allowance para sa Abril hanggang Hunyo 2025.

Sa kabuuan, aabot sa ₱155.04 milyon ang ilalabas ng pamahalaang lungsod bilang allowance at subsidiya para sa sektor ng edukasyon, pampublikong kaligtasan, at law enforcement.

“Ikinagagalak kong mapangiti ang halos 26,000 indibidwal—mga mag-aaral, empleyado at guro—sa tulong-pinansyal na ipinagkakaloob ng inyong Pamahalaang Lungsod,” ani Domagoso. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here