MANILA, Philippines – Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa mas mataas na kamalayan laban sa human trafficking sa bansa, na binanggit nilang nananatiling isang “seryoso at patuloy na suliranin” na dapat harapin ng bawat Pilipino.
Sa pahayag noong Linggo, sinabi ng Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (ECMI) ng CBCP na magdaraos ito ng National Day of Prayer and Awareness Against Human Trafficking noong Pebrero 1 bilang “panawagan sa konsensya ng buong bansa.”
Hinikayat ng grupo hindi lamang ang Simbahan, kundi pati ang gobyerno, civil society, mga institusyon, pamilya, at bawat mamamayan na sama-samang labanan ang “malaking kawalan ng katarungan” na patuloy na lumalapastangan sa dignidad ng tao.
Binanggit nila na maraming Pilipino ang nalilinlang ng mga pekeng pangako ng trabaho sa loob at labas ng bansa, na dulot ng kahirapan, dislokasyon, kakulangan sa edukasyon, armadong labanan, natural na sakuna, at maling paggamit ng digital platforms.
Pinaka-apektado sa panlilinlang na ito ang kababaihan, kabataan, migrante, at mga pamilya sa marginalized na komunidad.
Ayon sa ECMI, ang pagtugon sa human trafficking, na “sumisira sa mga pamilya, komunidad, at moral na pundasyon ng ating bansa,” ay sentro ng kanilang pastoral na misyon.
Gayunpaman, binigyang-diin nilang hindi ito kaya ng Simbahan mag-isa, dahil ang pangunahing responsibilidad para pigilan ang trafficking, protektahan ang mga biktima, at panagutin ang mga salarin ay nakasalalay sa Estado, gamit ang mga batas at patakarang pampubliko upang protektahan ang mga mamamayan.
Ang National Day of Prayer ay itinuturing ng ECMI bilang isang “pambansang panawagan” para sa kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at ng Simbahan, na nagtataguyod ng diyalogo, pananagutan, at koordinadong aksyon para sa kabutihan ng lahat.
Hinimok din nila ang gobyerno na palakasin ang pagpapatupad ng anti-trafficking laws, pagbutihin ang koordinasyon ng mga ahensya, siguraduhin ang regulasyon ng recruitment systems, at protektahan ang mga biktima, habang tinutugunan ang mga ugat ng trafficking tulad ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at kakulangan ng disenteng trabaho. Jocelyn Tabangcura-Domenden