BOHOL, Philippines – Halos humiwalay sa katawan ang ulo ng isang tomboy nang tagpasan ito sa leeg matapos umanong gahasain ng isang lalaking kainuman nito, ayon sa ulat kahapon sa Valencia City.
Kinilala ang biktima na si Charity Albotra, 38, isang magsasaka at residente ng Purok 3, Barangay Omjon sa nasabing lungsod.
Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na nakilala sa alyas Badon, 28, at tubong Bukidnon.
Ayon sa ulat ng Valencia Municipal Police Station, bandang 2:45 PM natagpuan ang bangkay ng biktima sa isang palayan, ilang metro lamang ang layo mula sa kanyang bahay.
Batay sa imbestigasyon, bago naganap ang krimen, nakipag-inuman ang biktima sa tatlong lalaki kabilang si Badon. Posible umanong nangyari ang krimen madaling araw noong Sabado matapos makatulog ang biktima dahil sa kalasingan, na sinamantala ng suspek.
Nang magising at nanlaban ang biktima, tinagpasan umano sa leeg at itinapon sa palayan ang kanyang bangkay bago mabilis na tumakas ang suspek.
Sa kasalukuyan, may dalawang persons of interest pa ang pulisya na isasailalim sa masusing imbestigasyon upang matukoy ang tunay na motibo ng krimen. /Mary Anne Sapico