Home OPINION 4 IMPEACHMENT VS PBBM, VP SARA

4 IMPEACHMENT VS PBBM, VP SARA

204
0

SAAN kaya tayo patutungo sa rami ng mga impeachment complaint na isinampa sa dalawang pinakamataas na pinuno ng Pinas?

May dalawa na inilarga laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dalawa rin ang kay Vice President Sara Duterte.

Para kina Senate President Tito Sotto at Senador JV Ejercito, nakahihiya umano sa ibang mga bansa ang ganitong kalagayan.

Magkakaroon nga naman ng impresyon na magnanakaw ang mga pinuno ng bansa, at madadamay na rin ang lahat ng mga namumuno mula sa mga senador at kongresman hanggang sa mga lokal na pamahalaan.

EKONOMIYA, BAGSAK O BABAGSAK

Ang inaalaala naman ng iba, hindi susulong ang ekonomiya ng bansa sa kawalan ng tiwala ng mga dayuhan na mamuhunan sa Pilipinas.

Kahit ang mga lokal na mamumuhunan, bantulot ding maglabas ng kapital para magnegosyo.

Marami pa kasi ang nakagugulat at nakatatakot para sa mga negosyante gaya ng biglaang paniningil ng P24 bilyon na multa at iba pa sa mga negosyante ng solar electricity dahil lang sa pagbatikos ni Batangas Congressman Leandro Legarda Leviste sa matitinding korapsyon sa gobyernong Marcos, damay na rin ang mga kapwa niya mambabatas.

Dahil bagsak ang ekonomiya at pinatunayan ito ng World Bank, International Monetary Fund, Asian Development Bank at iba pa, naririyan din ang pagsama ng kalagayan sa industriya sa paggawa.

Napakarami, milyon-milyon ang walang trabaho at higit na marami ang naghahanap ng mahigit dalawang trabaho upang makamit lang nila ang makataong kalagayan.

At nangyayari naman talaga lahat ng ito.

Tanging ang mga empleyado at opisyal na lamang ng pamahalaan ang may ginhawa, lalo na ang mga korap na sobra kung magnakaw sa mga buwis ng mga mamamayan.

MAGKAGULO-GULO

Hindi lang nakahihiya, babagsak ang ekonomiya at kasamang maghihirap ang mga obrero at ibang mamamayan dahil sa mga kasong impeachment.

Magkagulo-gulo pa.

Paano nga namang isipin ang posibilidad na may idedeklarang walang sala at may sala ang isa sa mga bintang ng pagnanakaw o korapsyon, pagtataksil sa tiwala ng bayan at iba pa?

Posible rin bang ideklara ang dalawang pinuno na nagkasala o kaya’y inosente?

‘Yun bang === may maniobrahan para lang may manatili o hahalili sa pwesto para lang magnakaw nang magnakaw at mang-abuso sa pwesto.

May switikan na sa ekonomiya, may switikan pa rin sa pulitika.

MAY MAGAGALIT

Tila saan man patungo ang mga impeachment, magkagulo-gulo pa rin.

Ang masama ay kung magbubunga ang mga kaguluhan ng mga galit na hindi basta makontrol ng kahit sino at magkaroon ng mga giyerang sibil.

Madugong maglalaban-laban ang lahat: Mamamayan laban sa pamahalaan, mamamayan laban sa mamamayan.

Magkakaroon ding ng mga krimeng patayan, nakawan, sunugan at siraan ng mga ari-arian at madadamay maging ang mga mag-aaral at eskwelahan, nagkakasakit at ospital at marami pang iba.

Saan nga tayo talaga patutungo dahil sa mga impeachment na ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here