Home NATIONWIDE 1 patay, 12 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa BOSS Ironman

1 patay, 12 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa BOSS Ironman

183
0

MANILA, Philippines — Isang rider ang nasawi habang 12 iba pa ang nasugatan sa serye ng aksidente kaugnay ng BOSS Ironman Motorcycle Endurance Challenge na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, ayon sa ulat.

Batay sa report nitong Martes, Pebrero 3, kabilang sa mga nasugatan ang ilang menor de edad na nanonood lamang ng naturang event.

Iniimbestigahan na ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang insidente.

Sa Digos City, Davao del Sur, isang tricycle ang nasagasaan mula sa likuran ng isang motorsiklong mabilis ang takbo, base sa kuha ng CCTV.

Samantala, sa Talakag, Bukidnon, isang delivery rider ang natumba matapos mabangga ng kalahok ng endurance ride, na nagresulta sa bali sa kanang paa nito.

Naitala rin ng LTO ang mga aksidenteng may kaugnayan sa karera sa Compostela, Davao de Oro; Capiton, Maguindanao del Norte; Kawit at Kauswagan sa Lanao del Norte; Kapatagan, Lanao del Sur; Kabacan, North Cotabato; at Kibawe, Bukidnon.

Sa Picong, Lanao del Sur, isang motorsiklo ang sumadsad sa ilalim ng isang bus.

Ang nag-iisang nasawi ay isang rider na iniulat sa Kibawe, Bukidnon.

Ayon sa LTO, tinatayang 1,000 riders ang lumahok sa BOSS Ironman na isinagawa mula Enero 31 hanggang Pebrero 1.

Kinailangan ng bawat kalahok na baybayin ang 1,288 kilometro, nagsimula at nagtapos sa General Santos City, at dumaan sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN at BARMM.

Ibinunyag ni LTO chief Markus Lacanilao na maraming kalahok ang lumabag sa batas-trapiko, kabilang ang paglabag sa stop light, mapanganib na pag-overtake, at walang-ingat na pagmamaneho na naitala sa video.

“Marami sa kanilang ginawa ay lantaran at paulit-ulit na paglabag sa batas-trapiko. Araw at gabi itong nangyari,” ani Lacanilao.

Dagdag ng LTO, hindi umano nakipag-ugnayan ang mga organizer ng event sa ahensya bago ito isinagawa.

Dahil dito, ipinatawag ang mga organizer ng BOSS Ironman para sa isang pagdinig sa Biyernes at naglabas din ng show cause orders laban sa mga kalahok na sangkot sa mga aksidente.

Nakipag-ugnayan na rin ang LTO sa Department of Transportation at sa Kongreso upang masusing imbestigahan ang insidente at tukuyin ang posibleng pananagutan.

Wala pang tugon ang BMW Owners Society of Saferiders (BOSS), ang organizer ng event sa naturang isyu.

Hindi ito ang unang beses na may nasawi sa naturang endurance ride kung saan noong 2024 ay dalawang katao rin ang nasawi sa parehong event.

“Hindi ito dapat pinapayagan. Napakaraming naaabala at nalalagay sa peligro ang buhay ng mga inosenteng mamamayan,” giit ni Lacanilao. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here