Home NATIONWIDE Update sa PH–Japan tax treaty, isinasapinal na

Update sa PH–Japan tax treaty, isinasapinal na

182
0

MANILA, Philippines — Pinangunahan ng Department of Finance (DOF) ang pormal na negosasyon para sa pag-amyenda ng Philippines–Japan Double Taxation Convention (DTC), na layong gawing mas makabago at patas ang kasunduan sa pagbubuwis ng dalawang bansa.

Isinagawa ang negosasyon mula Enero 27 hanggang 30 at natapos sa loob lamang ng isang pormal na round, ayon sa DOF.

Sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na mahalagang hakbang ang pag-update ng kasunduan bilang patunay ng matibay na ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at Japan.

“Pinagtitibay nito ang aming paninindigan na magkaroon ng malinaw, moderno, at makatarungang balangkas sa pagbubuwis na kapaki-pakinabang sa parehong bansa,” ani Go.

Saklaw ng DTC ang pagbubuwis sa kita ng mga mamamayan at residente ng Pilipinas at Japan, kabilang ang pagtukoy kung aling bansa ang may karapatang maningil ng buwis at kung paano ibabawas ang buwis na nauna nang nabayaran upang maiwasan ang dobleng pagbubuwis.

Ayon sa DOF, inaasahang susuporta ang naamyendahang kasunduan sa masiglang cross-border economic activities habang pinangangalagaan ang integridad ng tax systems ng dalawang bansa.

Ipinaliwanag ni DOF-Revenue Operations Group Undersecretary Rolando Ligon na layon ng renegosasyon na iayon ang kasunduan sa kasalukuyang international standards, tiyakin ang katiyakan at patas na pagtrato sa mga nagbabayad ng buwis, at paigtingin ang laban kontra tax evasion at tax avoidance.

Dadaan pa ang kasunduan sa kani-kanilang legal na proseso ng Pilipinas at Japan at magkakabisa 30 araw matapos ang palitan ng diplomatic notes na nagpapatunay ng pag-apruba nito.

Kasabay ng renegosasyon ang pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Japan ngayong taon.

Ipinahayag naman ni Japan Minister for Economic Affairs Yokota Naobumi ang pag-asang magdudulot ang amyenda ng mas maraming pamumuhunang Hapones sa Pilipinas.

Umaasa rin ang Japanese government na ang kasunduan ay magsisilbing daan sa mas pinagtibay na ugnayang bilateral ng dalawang bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here