MANILA, Philippines – Viral sa social media ang reklamo ng ilang may-ari ng mga motorsiklo na na-clamp ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) nitong Martes, Pebrero 3 sa Juan Luna, Gagalangin, Tondo.
Ayon sa uploader ng video, alas-10 ng umaga nang dumating ang Clamping Team ng MTPB para mag-operate sa mga illegal na nakaparada.
Nadaanan umano ng clamping team ang isang establisyimento at agad na nilagyan ng clamp ang mga nakaparadang motorsiklo rito.
Giit ng uploader, nasa tamang lugar ang pinaradahan ng mga motorsiklo na pinatutunayan ng isang yellow marking line.
Dagdag pa ay mayroon umanong ipinakitang dokumento ng buwanang Parking Fee.
Dahil dito ay nananawagan ang mga sangkot sa viral video sa MTPB na panagutan ang lahat ng mga napinsalang gulong o mags ng mga motorsiklo na nilagyan ng clamp.
Hinihintay pa ang tugon ng MPTB at City Hall ng Maynila kaugnay nito. RNT/JGC