MANILA, Philippines – Bumuo na ng isang team ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) para imbestigahan ang kumakalat online na pekeng medical test results ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinumpirma ng Presidential Communications Office at ng St. Luke’s Medical Center na peke ang dokumentong kumakalat sa social media, kahit ginagamit nito ang logo ng ospital.
“We’ve already formed a team for that purpose. I already assigned them to collaborate and cooperate with other agencies responsible for this investigation,” sabi ni ACG Director Brig. Gen. Wilson Asueta sa Camp Crame noong Miyerkules.
Tumanggi si Asueta na magbigay ng detalye kung may natukoy na silang mga personalidad sa likod ng pekeng dokumento dahil patuloy pa ang imbestigasyon.
Ayon kay Asueta, maaaring sampahan ng kaso ang mga responsable sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, na tumutukoy sa unlawful use of means of publication at unlawful utterances. Maaari rin umanong magamit ang Article 172 na may kinalaman sa paggamit ng falsified documents.
Ayon sa pekeng medical results, umano’y may “severe sigmoid diverticulitis” ang pangulo na “deteriorated severely due to drug use” at nangangailangan ng agarang operasyon.
Samantala, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na babalik na sa normal na gawain si Pangulong Marcos matapos ang isang linggong pahinga kasunod ng kanyang pagkakaospital dahil sa diverticulitis. RNT/MND