Home METRO 4 arestado sa sinalakay na drug den sa Bohol

4 arestado sa sinalakay na drug den sa Bohol

179
0

CEBU CITY, Philippines – Arestado ang apat na katao matapos salakayin ng mga anti-drug operatives ang isang pinaghihinalaang drug den sa Dauis, Bohol noong Huwebes ng hapon, Pebrero 5.

Sa pinagsamang operasyon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bohol, katuwang ang Dauis Municipal Police Station at Bohol Maritime Police, nadakip ang mga suspek bandang 1:46PM sa ng hapon sa Purok 3, Barangay Catarman, ng nasabing bayan.

Kinilala ng pulisya ang umano’y drug den maintainer na si alyas “Cyrus,” 27, na inaresto kasama ang kanyang ama na si alyas “Fery,” 48. Kapwa residente ng lugar ang mga ito at itinuturing na mga bagong tukoy na drug personalities.

Inaresto rin ang dalawang umano’y bisita sa loob ng drug den na sina alyas “Bryx,” 27, ng Mariveles, Dauis, at alyas “Joe,” 30, na residente rin ng Dauis. Ayon sa mga awtoridad, si alyas “Bryx” ay umano’y plea bargainer.

Nasamsam sa operasyon ang 10 pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 16 gramo at tinatayang halagang P108,800, kasama ang buy-bust money at iba’t ibang drug paraphernalia.

Sinabi ng mga awtoridad na nag-ugat ang operasyon sa impormasyong ibinigay ng isang confidential informant, na sinundan ng isang linggong case buildup.

Batay sa intelligence reports, kaya umano ng grupo na magbenta ng humigit-kumulang 25 gramo ng ilegal na droga kada linggo.

Isinailalim na sa chemical examination ng PNP Bohol Forensic Unit ang lahat ng nakumpiskang ebidensiya.

Nananatili sa kustodiya ng Dauis Municipal Police Station ang apat na suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang mga kaso sa ilalim ng batas laban sa ilegal na droga.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na ang pagpapanatili ng drug den at pagbebenta ng mapanganib na droga ay may kaparusahang habambuhay na pagkakakulong at multang hanggang P10 milyon, habang ang pagbisita sa isang drug den ay may parusang hanggang 20 taong pagkakakulong at multang hanggang P500,000. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here