MANILA, Philippines – Nagbabala ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa mga kawatan na nabibiktima at tangkang mambiktima sa mga turista lalo na sa mga dayuhan na walang silang ligtas sa batas.
Ang babala ay matapos masugatan ang isang Korean national na tinangkang agawan ng bag ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa harap ng Manila Hotel sa One Rizal Park, Ermita, Maynila.
Sa inisyal na ulat ng MPD alas 9 ng gabi nang mangyari ang insidente.
Lumaban umano ang biktima na si Yun Jeonghun kaya nagtamo ng sugat sa kamay at bahagi ng tiyan at nabigo rin ang suspek na makuha ang bag nito.
Mabilis na tumakbo ang suspek patakas habang inireport naman ng biktima sa pamunuan ng Manila Hotel ang nangyari saka ipinagbawal alam sa nakakasakop na himpilan ng pulisya bago ini-refer ang kaso sa District Intelligence Division ng MPD.
Binigyan ng lunas ang sugat ng biktima sa Manila Medical Center ngunit hindi na nagsampa pa ng reklamo dahil sa nalalapit niyang pag-uwi sa kanilang bansa.
Sa kabila nito, hindi naman tumitigil ang pulisya sa kanilang imbestigasyon at operasyon para maaresto at matukoy ang pagkakilanlan ng suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden