Home HOME BANNER STORY Pagkamatay ng batang babae na binakunahan vs measles-rubella sa Sultan Kudarat iniimbestigahan...

Pagkamatay ng batang babae na binakunahan vs measles-rubella sa Sultan Kudarat iniimbestigahan ng DOH

225
0

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang sanhi ng pagkamatay ng 2-anyos na batang babae sa Palimbang, Sultan Kudarat.

Ang bata ay namatay matapos turukan ng measles-rubella vaccine.

Sa kabila nito ay iginiit ng ahensya na ligtas at epektibo ang bakuna.

Sa pahayag ni DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, sinabi na ang regional, provincial, at municipal epidemiology units ng DOH ay “currently conducting a thorough investigation” upang matukoy ang mga posibleng sanhi ng pagkamatay ng bata.

“While no definitive cause of death has been established at this time, the scientific process of causality assessment is now underway,” saad sa pahayag ng DOH.

“The Department of Health (DOH) is coordinating with the Provincial Health Office (PHO) of Sultan Kudarat regarding one (1) reported death in the past few days, coinciding with a vaccination campaign. DOH and the PHO are one with the family in grieving the tragic passing of the 2-year-old female child on February 4, 2026,” dagdag pa.

Sa report, sinabi ng ina ng biktima na ang kanyang anak ay namatay matapos bakunahan sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity sa Palimbang.

Bumisita umano ang isang health worker sa kanilang komunidad sa Barangay Milbuk at binakunahan ang kanyang anak.

Ilang oras matapos bakunahan ay nagsimula nang magsuka at makaranas ng diarrhea ang kanyang anak. Nakaranas din ito ng panghihina at dehydration.

Kalaunan ay iniulat din ang discoloration ng kanyang katawan at kuko.

Sinisi ng ina ang bakuna sa pagkamatay ng anak nito.

Sa report, sinabi ng Sultan Kudarat provincial health office na hindi pa kumpirmado kung ang bakuna nga ba talaga ang sanhi ng pagkamatay ng bata ngunit iniimbestigahan na ang naturang isyu.

Samantala, nagpaabot naman ang DOH ng “full moral support” at nagpahayag ng kahandaan na magbigay ng mental health at psychosocial services sa pamilya.

Kasabay ng imbestigasyon, nanawagan si Domingo sa publiko na iwasan ang pagbibigay ng mga maling impormasyon at ispekulasyon sa social media.

“Misinformation kills. Please rely only on official updates from verified channels of the Department, the PHO, and local government units,” ani Domingo.

“Measles-Rubella vaccines are proven safe and effective. These vaccines have saved millions of children around the world from severe complications and death,” dagdag pa niya.

Ang Ligtas Tigdas program ng DOH ay nagsimula noong Enero 19 sa General Santos City.

Sa datos, nasa 318,396 na bata na ang nabakunahan sa SOCCSKSARGEN sa ilalim ng naturang programa hanggang nitong Pebrero 6, 2026. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here