MANILA, Philippines – Ibinunyag ng vlogger na si Diwata na inaresto siya dahil sa “non-compliance” ng kanyang negosyong paresan.
“Nakulong ako. Bakit? May warrant na naman ako,” sinabi ni Diwata sa isang video.
Anang vlogger na si Diwata o Deo Jarito Balbuena sa tunay na pangalan, hindi siya nakatanggap man lang ng babala o subpoena bago arestuhin.
“Nakakalungkot lang noh. Ganyan yung nangyari. Pwede namang ayusin kung may pagkakamali ako. Pero bakit warrant agad?” aniya.
“Tsaka hindi naman ako big-time na negosyante. Tamang-tama nga lang pangkain ang kinikita ko, minsan abono pa,” dagdag pa nito.
Tumanggi nang magbigay ng iba pang detalye si Diwata tungkol sa kanyang pagkakaaresto dahil nagpapatuloy pa ang kaso ngunit sinabing pinagbigyan siya ng pansamantalang kalayaan matapos makapagpiyansa ng P60,000.
“Ang hirap maging Pilipino sa totoo lang. Lumalaban ka naman nang patas. Hindi ka naman namemerwisyo, dumidiskarte ka sa sarili mo para mabuhay ka pero bakit ganun?”
Noong Abril 2024, inaresto na rin si Diwata sa reklamong slight physical injuries na inihain noong 2018 matapos umanong saktan ang isang construction worker sa Pasay City. RNT/JGC