Home NATIONWIDE India, US naglabas ng framework sa interim trade agreement

India, US naglabas ng framework sa interim trade agreement

198
0

MANILA, Philippines — Naglabas ang India at Estados Unidos ng framework para sa isang interim trade agreement na magpapababa ng taripa sa mga produktong Indian, isang hakbang na binatikos ng oposisyon sa India dahil umano’y mas pabor sa Washington.

Ang joint statement ay inilabas nitong Biyernes, ilang araw matapos ihayag ni U.S. President Donald Trump ang planong bawasan ang taripa sa mga produkto ng India, anim na buwan matapos magpataw ng mas mataas na buwis upang hikayatin ang New Delhi na ihinto ang pag-angkat ng murang langis mula sa Russia.

Sa ilalim ng kasunduan, ibababa sa 18% mula 25% ang taripa sa mga produktong Indian matapos pumayag si Indian Prime Minister Narendra Modi na itigil ang pagbili ng Russian oil, ayon kay Trump.

Tinawag ng dalawang bansa ang kasunduan na “reciprocal at mutually beneficial,” at sinabing magsisilbi itong daan patungo sa mas malawak na trade deal na magpapalawak ng market access at magpapalakas ng supply chains. Kailangan pa umano ng karagdagang negosasyon upang maisapinal ang kasunduan.

Ayon sa pahayag, babawasan o aalisin ng India ang taripa sa lahat ng industrial goods ng U.S. at sa malawak na hanay ng agricultural products.

Nauna ring sinabi ni Trump na babawasan ng India hanggang zero ang buwis sa ilang produktong Amerikano at bibili ng $500 bilyon na halaga ng U.S. goods sa loob ng limang taon.

Nilagdaan din niya ang executive order na nag-aalis sa hiwalay na 25% tariff na ipinataw noong nakaraang taon.

Nagpasalamat si Modi kay Trump at sinabing ang framework ay nagpapakita ng “lalim at tiwala” ng ugnayan ng dalawang bansa at magpapalakas sa investment at technology partnerships.

Gayunman, kinuwestiyon ito ng mga oposisyon sa India na nagsabing maaapektuhan ang sensitibong sektor tulad ng agrikultura.

Itinanggi naman ni Indian Trade Minister Piyush Goyal, iginiit na protektado ang mahahalagang produktong agrikultural at dairy.

Ani Goyal, magbubukas ang kasunduan ng “$30 trilyong merkado” ng U.S. para sa mga Indian exporter at lilikha ng daan-daang libong trabaho, habang magiging zero tariff ang ilang produktong Indian gaya ng generic medicines, gems, diamonds, at aircraft parts. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here