MANILA, Philippines – Naghain si Bukidnon 3rd district Rep. Audrey Kay Zubiri ng panukalang batas na mag-iintegrate ng financial literacy bilang core subject sa junior at senior high school.
Ang House Bill No. 6091, o Financial Education and Literacy Act, ay layong tugunan ang lumalalang problema ng pagkakautang ng mga Pilipino.
Ayon kay Zubiri, “Many Filipinos are drowning in debt not because of a lack of hard work, but because of a lack of proper financial knowledge. If we fail to address this now, we are allowing the next generation to remain trapped in the same cycle of poverty and indebtedness.”
Batay sa datos ng World Bank, 47.1 porsiyento ng mga Pilipinong adulto ang nanghihiram, habang 19 porsiyento lamang ang walang utang.
Dagdag niya, mas mataas ang financial literacy ng kabataang may edad 18–39 kumpara sa mas matatanda, kaya mahalaga ang maagang pagtuturo ng tamang pamamahala ng pera.
Nilinaw din ni Zubiri na ang financial education ay makakatulong sa pagbawas ng pag-asa sa tulong ng gobyerno, pagpapalakas ng resilience ng pamilya, at pagtuturo ng kulturang responsableng pamamahala ng pera.
Layunin ng HB No. 6091 na i-integrate ang life competencies, i-align ang national financial education strategy sa international standards, at isulong ang National Strategy for Financial Inclusion. RNT/MND