BULACAN, Philippines – Arestado ang isang lalaking armado na umano’y sangkot sa sunod-sunod na panloloob sa ilang convenience store sa bayan ng Santa Maria nitong gabi ng Pebrero 11.
Sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, nangyari ang insidente 7:28 ng gabi sa isang convenience store sa Brgy. San Jose Patag.
Ayon sa ulat at 28 anyos na babaeng biktimang cashier, ang suspek ay nakasuot ng itim na jacket na may puting pang-itaas at itim na shorts.
Nang makarating sa pulisya ang nangyari ay agad nagsagawa ng hot pursuit at follow-up operation hanggang sa matunton at mahuli ang suspek.
Kinilala ang suspek na si alyas “Ariel”, 37, security guard, tubong Samar at kasalukuyang residente ng Brgy. Bulac.
Narekober sa operasyon ang motorsiklong ginamit sa panghoholdap, bag na naglalaman ng caliber .38 na may apat na bala, itim na reversible jacket, tactical sling bag na may wallet ATM card at P18,876.96 umanoy ninakaw sa dalawang tindahan.
Nabatid na bandang 6:45 ng gabi ng parehong petsa, ay unang pinasok ng suspek ang kaparehong convenience store sa Brgy. Pulong Buhangin.
Sinasabing nanlaban ang suspek at nagkaroon ng komprontasyon na naging sanhi sa pagkakasugat ng isang opisyal ng istasyon sa kanyang kamay bago ito tuluyang nahuli.
Nahaharap ang suspek kasong dalawang bilang ng Robbery (Hold-Up), Frustrated Homicide at paglabag sa RA 10951. (Dick Mirasol III)