BAGUIO CITY – Pinalalakas ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng smoke-free ordinance sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga enforcer at pagpapalawak ng monitoring sa lahat ng barangay.
Ayon kay City Health Officer Dr. Celia Flor Brillantes noong Miyerkules, patuloy ang orientation sa mga barangay upang sanayin ang mga opisyal at volunteers sa tamang pag-isyu ng citation tickets, habang nagpapatuloy ang regular inspections, kabilang ang hindi bababa sa dalawang night inspections kada buwan at surprise checks.
Sinabi niya na layunin ng pagpapalawak ng accreditation ng mga enforcer na matiyak ang pagpapatupad ng ordinansa hindi lamang sa central business district kundi sa lahat ng 128 barangay ng lungsod. Una itong ipinatupad sa central business district at pinalawak noong 2024.
“Enforcement has been robust, with over 1,000 individuals and establishments apprehended in 2025,” ani Brillantes.
Ipinagbabawal ng ordinansa ang paninigarilyo at vaping sa mga pampublikong lugar, kabilang ang outdoor spaces, gayundin ang pagbebenta ng sigarilyo kada stick at sa mga menor de edad. Ipinagbabawal din ang pagbebenta malapit sa mga paaralan, simbahan, at tanggapan ng gobyerno.
Batay sa datos noong 2024, may 20 aprubadong designated smoking areas sa lungsod, kung saan 16 establisimyento ang nag-renew ng kanilang permit noong 2026. Kinakailangang ang smoking areas ay may layong hindi bababa sa 20 metro mula sa entrance ng gusali at hindi dapat may bubong.
“This is intentional to make it difficult to find places where smokers and vapers will puff, encouraging them to quit the habit,” ani Brillantes.
Patuloy rin ang information campaigns ng Smoke Free Task Force sa pamamagitan ng barangay lectures, public gatherings, at school activities, kasunod ng mga ulat ng mga estudyanteng nahuling may dalang vape devices sa mga paaralan. Mary Anne Sapico