THE HAGUE — Iginiit ng Office of the Prosecution ng International Criminal Court (ICC) na walang dahilan si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang hindi dumalo sa kanyang confirmation of charges hearing at sinabing siya ay “perfectly fine.”
Ayon kay senior trial lawyer Julian Nicholls, hindi totoo ang pahayag ng depensa na hindi pisikal na kayang humarap ni Duterte sa korte.
“Mr. Duterte is perfectly fine. He’s able to attend the proceedings today. There’s nothing stopping him except that he doesn’t want to be here,” ani Nicholls.
Binigyang-diin ng prosekusyon na malinaw umano ang mensahe ni Duterte sa mga tagapagpatupad ng kanyang kampanya kontra droga.
“That message was, commit murder at my direction and I will protect you, I will pay you, I will promote you. And that’s what happened,” dagdag ni Nicholls.
Hinamon din niya ang depensa sa pahayag na “hyperbole” lamang ang mga talumpati ni Duterte at wala umanong “lethal intent.”
Aniya, ang mga ito ay paghahanda lamang para sa posibleng depensa sakaling managot ang dating pangulo.
Binanggit din ng prosekusyon ang umano’y pagbuo ng Davao Death Squad (DDS) noong alkalde pa si Duterte, bilang bahagi ng ipinangakong “crackdown” sa krimen at droga.
“As mayor of Davao, Mr. Duterte promised a ‘crackdown’ on crime and drugs… and this system of his became known as the Davao Model,” ani Nicholls, na iginiit na ang naturang modelo ay pagpatay at hindi simpleng pagiging mahigpit sa krimen.
Ipinakita rin sa korte ang diagram ng umano’y istruktura ng DDS, kung saan nasa itaas si Duterte at ang mga utos ay ipinapasa sa mga handler hanggang sa mga miyembrong aktuwal na nagsasagawa ng pagpatay.
Ayon kay Nicholls, karamihan sa mga nasa ibabang hanay ay may utang o obligasyon kay Duterte o sa pulisya kaya madaling kontrolin.
Samantala, nauna nang sinabi ng lead defense counsel na si Nicholas Kaufman na ang dating pangulo ay puno ng “hyperbole, bluster and rhetoric” at hindi dapat literal na unawain ang kanyang mga pahayag.
Iginiit din ng depensa na pinipili lamang ng prosekusyon ang ilang bahagi ng mga talumpati ni Duterte at na layunin lamang umano ng mga ito na takutin ang mga kriminal, hindi pumatay. RNT/JGC