MANILA, Philippines – Maaari umanong ikonsidera ng Department of Justice (DOJ) bilang ebidensya ang naging pahayag ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines.
Gayunman ay ipinaliwanag ni DoJ Spokesperson, Atty. Polo Martinez na sa ngayon ay hindi pa ito maaari dahil wala pa namang naihain na reklamo kaya wala pa rin preliminary investigation.
“Evidence may be considered by the DOJ in preliminary investigation if it was filed as part of a complaint or submitted through a motion for its admission in a pending case,” ani Martinez.
Nang tanungin kung may liability o pananagutan ang mga ex-marines sa kanilang mga alegasyon, sinabi ni Martinez na sa mismong law enforcement manggagaling ang pagsasampa ng reklamo kaugnay sa posibilidad na may nilabag na batas ang mga ito.
Kasunod ito ng mga ibinulgar ng mga dating sundalo kung saan nagdeliver umano ng male-maletang pera kina Pangulong Bongbong Marcos, dating House Speaker Martin Romualdez at dating Congressman Zaldy Co at ito ay naglalaman ng P805 bilyon na iniuugnay sa flood control anomaly. Jocelyn Tabangcura-Domenden