Home NATIONWIDE Mga bilangguan nananatiling congested dahil sa drug war legacy – BJMP

Mga bilangguan nananatiling congested dahil sa drug war legacy – BJMP

176
0

MANILA, Philippines – Ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of Jail Management and Penology, nananatiling matindi ang congestion sa mga bilangguan sa bansa, kahit lumipas na ang rurok ng anti-drug campaign ng gobyerno.

Sa pagsusuri ni Dr. Rogelio Alicor Panao, gumagamit ng datos ng BJMP noong Hulyo 2025, umabot sa average na 292% ang congestion rate sa 337 bilangguan. Ibig sabihin, ang isang pasilidad na idinisenyo para sa 100 detainees ay halos may 300.

Pinakamalubha ang sitwasyon sa Calabarzon at National Capital Region (NCR), na magkasamang may halos 38,000 detainees sa espasyong para sa mas mababa sa 9,400. Calabarzon: 19,029 detainees sa lugar na para sa 4,737; NCR: 18,863 sa lugar na para sa 4,658. Tinawag ni Panao itong “systemic compression.”

Ayon sa mga datos ang mga sanhi ng congestion ay:

–Drug-related arrests: 73.51% ng lahat ng kaso sa bansa ay may kaugnayan sa droga.

–Pagkaantala ng korte: Noong Hulyo 2025, 87.32% ng detainees ay pending trial pa, hindi pa naglilingkod ng final sentence.

–Kakulangan sa pasilidad: Halimbawa, sa Zamboanga Peninsula, jails na para sa 646 katao ay may halos 3,000 detainees (halos 400% congestion).

Noong 2017, iniulat ng Commission on Audit ang mataas na congestion sa Calabarzon (975%), Central Luzon (802%) at NCR (572%). Ang Quezon City Jail at Manila City Jail ay umabot ng 900% congestion.

Dagdag ni Panao, ang problema ay “layered crisis” — pinagsamang mataas na arrest volume, mabagal na case disposition, at hindi pantay na kapasidad ng rehiyon.

“Hindi sapat ang simpleng pagpapagawa ng bagong cells. Kailangan din ng mas mabilis na paglilitis, lalo na sa libu-libong pending drug cases, kasabay ng modern at humane detention facilities,” ani Panao.

Sinabi ni Panao na ang congestion ay “persistent institutional condition,” na nangangailangan ng reporma sa kabuuan ng justice system, hindi lang sa physical expansion ng bilangguan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here