MAGUINDANAO DEL NORTE, Philippines – Ayon sa isang peace monitor sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nanganganib nang mabigo ang peace agreement sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil mabilis na nawawala ang tiwala sa pagitan ng dalawa.
Sa isang pahayag noong Miyerkules, Peb. 25, sinabi ng Conflict Climate Action (CCA) na “hope is under siege” dahil sa umano’y pagtataksil mula sa magkabilang panig.
“In less than a year, the old conflict divide between State and non-State actors was upended by a serious divide within the MILF and the government,” sabi ng CCA, dating International Alert.
Ayon sa CCA, kabilang sa mga dahilan ng kaguluhan ang hindi pa nareresolbang usapin sa decommissioning, normalization, at paulit-ulit na pagpapaliban ng unang parliamentary elections sa rehiyon. Isa sa mga pinakamatagal nang isyu ang normalization agreement, na matagal nang stagnant.
Sinabi rin ng CCA na “even the decommissioning of combatants and their weapons is effectively comatose” matapos ihinto ng MILF ang proseso noong nakaraang taon. “While this demand merits serious attention from both parties, nowhere in the political settlement does it authorize a unilateral moratorium as a legitimate or acceptable response to this impasse,” dagdag nila.
Puna ng CCA, sampung taon na matapos pirmahan ang political settlement at anim na taon matapos maipasa ang organic law, mabagal pa rin ang proseso ng decommissioning at normalization, kaya nakapasok na sa rehiyon ang mas sopistikadong armas. Binanggit nila ang ambush sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur Mayor Akmad Ampatuan bilang halimbawa.
Noong Agosto, naglabas ng babala ang CCA at Institute for Autonomy and Governance (IAG) tungkol sa pagtaas ng karahasan sa pagitan ng magkakahiwalay na armadong grupo ng MILF at muling pag-usbong ng ekstremismo.
“We traced the rise in violence to the stalled decommissioning process, the large and growing number of illicit weapons in circulation, a political transition in gridlock, and the inability and unwillingness of both parties to acknowledge the structural and institutional flaws in the peace agreement and the fragile peace infrastructure bound to it,” sabi nila.
Ayon sa CCA, may senyales na muling ipagpapaliban ang Bangsamoro election. “Rather than fostering a legitimate and democratic mandate, a new impasse in the political transition is being engineered by those who wish to continue to reign without the right to rule.”
Pinuna rin nila ang gobyerno sa pagsunod sa hiling ng MILF na ipagpaliban ang parliamentary elections noong 2022 at 2025. Hanggang ngayon, hindi pa nakapasa ng batas ang Kongreso para sa first parliamentary elections sa rehiyon ngayong taon.
Sa gitna ng mga hindi pa nareresolbang isyu, iminungkahi ng CCA na kailangang agarang ibalik ang tiwala sa magkabilang panig at simulan ang pagbabago. “The parties should also temper their language, stop finger pointing, and address issues head on, transparently and in good faith,” dagdag nila. RNT/MND